Thursday, February 5, 2009

GMA 7, Best Station sa 22nd Star Awards For Television

Muling pinatunayan ng GMA Network ang pangunguna nito sa larangan ng broadcast industry matapos magwagi ng mga tropeyo at tanghalin bilang Best Station sa nakaraang 22nd Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC).

Nagwagi ang Kapuso station sa maraming kategorya, mapa-entertainment man o news, kabilang na ang Best Daytime Series, Best Comedy Show, Best Youth-oriented Program, Best Variety Show, Best Documentary Program, Best Morning Show Bukod dito, inuwi rin ng GMA Network ang Best Station award dahil sa paghahatid ng mga de-kalidad na mga programa at hindi matawarang serbisyong totoo.

Hinirang na Best Drama Actress ang magaling na aktres na si Sunshine Dizon para sa kanyang natatanging pagganap sa Impostora bilang Sara at Lara habang tinanghal namang bilang Best Daytime Series ang top-rating afternoon show Sine Novela Presents Kaputol ng Isang Awit.

Humataw naman ang mga programa ng GMA sa kategorya ng comedy matapos humakot ng 3 tropeyo. Nanalong Best Comedy Show ang Ful Haus na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Pia Guanio. Sina Ogie Alcasid at Rufa Mae Quinto naman ay nagsipaguwi ng parangal bilang Best Comedy Actor at Best Comedy Actress.

Best Male TV Host ang award na nakuha ni Vic Sotto samantalang tie naman ang Eat Bulaga! at ang katapat nitong show sa kabilang istasyon bilang Best Variety Show. Iginawad naman ang award bilang Best Musical Variety Show sa SOP.

Si Kylie Padilla ang nagtagumpay sa kategoryang Best New Female Personality para sa kanyang pagganap sa Joaquin Bordado. Napanalunan naman ng Boys Nxt Door ang Best Youth Oriented Program award.

Nagkamit din ng parangal ang mga News and Public Affairs programs ng GMA. Nanalo bilang Best Best Documentary Program ang I-Witness: The GMA Documentaries at Best Documentary Program Host sina Kara David, Howie Severino, Sandra Aguinaldo, at Jay Taruc para sa I-Witness. Itinanghal namang Best Documentary Special ang Signos: Ang Banta ng Nagbabagong Klima samantalang ang broadcast journalist na si Vicky Morales, isa sa mga news anchor ng Saksi Liga ng Katotohanan ang nagwagi bilang Best Female Newscaster.

Nahakot rin ng masayang barkada ng Unang Hirit na binubuo nina Arnold Clavio, Susie Entrata-Abrera, Lyn Ching-Pascual, Rhea Santos, Jolina Magdangal, Winnie Monsod, Oscar Orbos, Regine Tolentino, Drew Arellano, Eagle Riggs, Love AƱover at Lhar Santiago ang Best Morning Show at Best Morning Show Host award.

Best Children’s Show naman ang Art Angel at ang mga host nito na sina Pia Arcanghel, Tonipet Gaba at Krystal Reyes para ang itinanghal na Best Children Show Host samantalang Best Travel Show naman ang Pinoy Meets World.

Hindi rin nagpahuli ang QTV sa ilang mga kategorya dahil nakuha nito ang Best Lifestyle Show at Best Lifestyle Show host para sa Living It Up na kinabibilangan nila Raymond Gutierrez, Issa Litton, Sam Oh at Tim Yap. Nakuha naman ng Gandang Ricky Reyes Parlor Game ang mga parangal para sa parangal na Best Reality Competition Program at Best Reality Competition Program Host.

Ang multi-awarded broadcaster na si Jessica Soho naman ang nagkamit ng Best Public Affairs Program Host para sa kanyang programang Hot Seat.

Sa kabuuan ay humakot ang GMA Network ng 25 parangal kabilang na ang Best Station mula sa nakaraang 22nd Star Awards for Television na pinamumunuan ng Philippine Movie Press Club (PMPC).
(30)

No comments:

Post a Comment